Wednesday, October 5, 2011

Si P-Noy para sa mga Pinoy

  Sa isang taong pamamalakad ng administrasyong Aquino marami ng nagbago. Mula sa ating pamahalaan hanggang sa ating mga kakalsadahan. Sa isang taon pa lamang, nasupil na ang mga kurapt na opisyal, ang ingay ng mga wangwang ng mga makakapangyarihan na akala mo'y pagmamay-ari nila ang kalsada ay nawala na rin ang mga nakakapagtakang proyekto ng gobyerno na pinaglalaanan ng napakalaking halaga ay unti-unti na ring nasisiwalat at patuloy ang administrasyon sa pag-iimbestiga ng katiwalian upamg magbago ang maling sistema.
           Ito ang sistemang administrasyon na nagnanais ng magandang pagbabago para sa mamamayang Pilipino, sa ating bansa. Isang bansang kasalukuyang naghihirap. Ngunit sa tulong ng bagong administrasyon unti-unti tayong uunlad. Subalit hindi magiging madali ang inaasam nating pag-unlad kung di magkakaisa ang mga Pilipino.
Aanhin natin ang mabuting administrasyong kung ang mismong mamayan ang sumisira rito? paano tayo uunlad kung mismong mga sarili natin ay hindi nating matutulungan?
           "Daang matuwid" yan ang kanyang pangako. Pangakong sa ngayon ay unti-unti nating tinatahak. Tulungan natin ang mga sarili upang makamit ang magandang buhay.

An awit ng aking buhay

Someday its gonna make sense
. Ito ang awit ng aking buhay. So totoo ang hindi ko gaanong nagustuhan ang pagkakakawit sa kantang ito. Ngunit kapag naririnig ko to, naiisip ko lahat ng dahilan kung bakit ako nabubuhay, yung mga bagay na ginagawa ko, mga paghihirap ko, determinasyon at pagsisikap, para saan ba laht ang mga ito? Bukas o sa makalawa, o kung kailan pa man iyon, pag gising ko, malalaman ko kung ano na ang bunga ng mga pinaghirapan ko, ang bunga ng mga ginawa at pinagplanuhan ko. Bukas pag gising ko may magagawa na ako, sa tulong ng aking paaralan, kaibigan at magulang, at higit sa lahat ng Poong Maykapal, Bukas makikita ko na ang bagong ako.

sampung taon mula ngayon, heto na ako

Sampung taon mula ngayon?? hindi ko maita ang sarili ko sampung taon mula ngayon, napakarami ko pang dapat at gustong matutunan sa buhay. Marami pa akong bagay na dapat malaman at unawain. Ngunit kagustuhan ko talaga ang makapag paunlad ng mga kakayahang taglay ng mga tao. Yun rin yung dahilan ko kung bakit kumuha ako ng kursong DEVCOM. Sampung taon mula ngayon, naway mas maunlad na ang bansa, sa tulong naming mga DEVCOM Practitioner, mas mapadadali ang desiminasyon ng mga impormasyon at ideya. Sampung taon mula ngayon, magiging gabay at tulong ako sa mga taong hindi napapansin ng gobyerno. Sampung taon mula ngayon, ako ay magtatrabaho para sa bayan, magiging isang mabuting mamamayan at anak ng Diyos.

An aking Crush


Siya ang aking Crush, si Patricia kamil javier, Ex ko sya pero ewan ko ba, nananatili pa rin syang maganda at kaakit akit sa paningin ko kahit na nagkalabuan na kami noon, Masaya ako kapag nakikita ko sya, marami kaming bagay na napagsaluhan date. At dahil nga hign school crush ko sya, malaki ang kontribusyon nya sa kung sino man ang pagkatao ko ngayon. Masya syang kasama. Napangingiti nya ako. Hindi ko malilimutan yung mga panahon na nagkasama kami at nagkausap. Kung anu man ang nangyari noon at mangyayari pa bukas, mananatili pa rin syang maganda sa paningin ko.

ako bilang isang bagay

Acoustic Guitar

Kung ako ay ikukumpara sa isang bagay, ako ay isang gitara. Ang gitara ay isang instrumentong pangmusika na maaaring magbigay aliw sa isa o maraming tao. Katulad ko, kung minsan, nakapagbibigay rin ako ng kasiyahan sa mga tao gaya ng aking pamilya, mga kaibigan o kung minsan kahit sa mga taong hindi ko kakilala. Tulad ng isang gitara, Masaya akong kasama ngunit tulad din ng isang gitara na mahirap pag-aralan maliban na lamang kung talagang ang mag-aaral ay pursigidong matuto. Sa aking karanasan, mahirap maggitara dahil maraming kailangang isaalang-alang kagaya na lamang ng ritmo, tono at iba pa. Kagaya ng mga ito, kung minsan ako ay wala sa tono. Wala sa tono sa pamamaraang hindi ako marunong makiisa o walang pakialam sa iba. Halimbawa na lamang sa aking mga kaibigan, madalas akong hindi sumasama sa kanila sa oras ng gala. Hindi ko sila iniisip sa halip ang aking sarili lang. Ako ay wala sa tono sa mga oras a ‘yon. 

Hindi ba’t madalas Makita ang gitara kung saan-saan? Kagaya rin ng isang gitarang madaling dalhin, ako ay maisasama mo rin kahit saan. Maisasama mo ako kahit saan sa tipong hindi naman sa napakababaw na dahilan.

Tulad ng isang gitara, madali akong itono. Kung minsan kahit na napakalungkot ko, hindi ko maiiwasan na maging Masaya lalo na kapag ang mga nakapaligid sa aking mga kaibigan ay makukulit.
May gitarang habang tumatanda ay gumaganda ang tunog. Tulad ng isang gitara, nakikita ko sa aking sarili na habang ako ay tumatanda, ako ay umaasenso. Umaasenso sa pamamaraan ng pag-iisip, pagkilos at marami pa.

Ngunit tulad din ng isang gitarang may hangganan, ako ay isang gitara. Ako ay isang gitarang may kahahantungan din balang araw subalit ganoon pa man gagawin ko ang lahat nang hindi ako mamatay. Hindi mamatay sa pamamaraang hindi malilimutan ng iba gaya ng gitara.

sona

-----------------------------------------
State of the Nation Address
of His Excellency Benigno S. Aquino
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines

[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City on July 25, 2011]


Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga butihing miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;

At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:

Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.

Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung maka-asta ang kanilang mga padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.

Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief Justice, at pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung sa trapiko nga ay di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong pinopondohan ng kaban ng bayan?

Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin. Gusto ba ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Ako rin.

Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang nagsabi, nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula 20.5% na self-rated hunger noong Marso, bumaba na ito sa 15.1% nitong Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.

May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang ako’y unang nagha-house-to house campaign. Ang kaniyang hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap ako habang nakaupo sila, at mahirap pa rin ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon, wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”

Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na. Wang-wang ang milyun-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National Construction Corporation, gayong hindi naman sila nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto, dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po, wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang magbigay ng midnight bonus sa sarili.

Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri natin ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na nagsisilbing kalasag sa walang-saysay na paggastos.

Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga ng 12 million cubic meters sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon, garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang, nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.

Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.

Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po natin ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas.

Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-employed at professional tax payers gaya ng mga abogado, doktor, negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa sa kanila—ang ibig sabihin, kung totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos lamang kada buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.

Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito, may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region 4B, may proyektong gagastusan ng 300 million pesos. Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer.

Kaya naisip nilang ichop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50 million pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central office ang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata bahay ng gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may padrino.

Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga proyekto, ibablack-list natin.

Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat nakikinabang na sa proyekto ng bayan.

Hindi lang po iyan sa region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa DPWH. Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.

Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. Kapag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.

Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.

Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng walang humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Ang dating solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay nagpapapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.

Isa sa mga solusyong pinag-aaralan ay ang gawing kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha. Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang mga informal settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa taumbayan, habang namumuhunan din sa kalikasan.

Noon bang isang taon, inisip ninyo na kaya nating gawin ito? Sa ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas makalawa, katotohanan na ang lahat ng ito.

Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor na magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po ito, gawa ng Pilipino.

Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa palang magtayo ng light rail system nang hindi hihigit sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo, mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.

Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto? Ngayon, sinasabi ko sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong nabubuhay sa ganitong panahon?

Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.

Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya, gusto mo pang isuot ang iyong ID kung sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?

Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units. Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.

Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga transmission lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.

Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.

Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers.

Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga naitanim nating pagbabago.

Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin: simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa pagtupad ng ating panata sa bayan.

Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng pensyon para sa mga kawal. Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.

Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng NEA, at ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang adbokasiya dito sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang.

May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.

Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na umulit muli.

Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po ba kayo?

Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang lahat ng nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.

Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng DOJ ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.

Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.

Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng oportunidad para sa lahat.

Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.

Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga negosyo.

Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang tama.

Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.

Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”

Tama po ang sabi niya: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam kong nasa likod ko kayo.

Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa paghahalal kay Archbishop Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi bangayan, ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.

Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang babala.

At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.

Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero at bumbero; kayong mga marangal na nagtatrabaho, sa Pilipinas man, sa gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.

Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng resulta ng ating sinimulan.

Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi nating kinabukasan.

Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?

Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?

Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”

Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, sabihin mo, “Salamat po.”

Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa; sabihin mo, “Salamat po.” Sa aking guro, Salamat po Ginang Escasa.

Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak, at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”

Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.

Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.

Maikling Pagpapakilala

Ako ay isang tipikal na estudyante ng CLSU, isang magaaaral na kumukaha g kursong AB DEVCOM. Isang kursong pinili ko ng personal. Lumaki ako sa pamamatnubay ng mabuting mga magulang. Marami akon nagiging kaibigan sa kadahilanang napakalaki ng pagka gusto ko sa pakkisama sa mga tao. Lumaki ak sa Batangas, isang bayang maunlad at malayo sa polusyon ng maynila.Ana pag aaral ko dito sa CLSU ay masaya ngunit minsan nahihirapan ako dahil malayo ako sa aking pamilya. Mahilig rin ako sa sports. swimming, tennis, taekwondo at kung ano ano pa. Pinipilit ng mga magulang kong suportahan ang aking pag aaral. alam kong malaki ang tiwala nila sa akin at hindi ao gagawa ng kung anu mang dahilan para masira ito. mahal na mahal ko ang aking mga magulang ang aking mga kaibigan ang aking buhay at pagaaral.